Skip to main content

NEWS AND ANNOUNCEMENTS

Opisyal na Pahayag ng NWPC Tungkol sa Injunction Order na Inilabas ng Pasig City Regional Trial Court

August 14, 2026

Natanggap ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang kautusan ng Regional Trial Court ng Pasig City, Branch 152, na nagpapatigil (injunction) sa pagpapatupad ng Wage Order No. NCR-27, sa kondisyong makapag-post ng ₱10-bilyong bond.

Bagamat iginagalang namin ang kautusan ng hukuman, pinaninindigan ng NWPC ang bisa ng Wage Order at ang integridad ng proseso sa pagtatakda ng sahod na isinagawa ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board–National Capital Region (RTWPB-NCR) alinsunod sa mandato nito sa ilalim ng batas at mga umiiral na tuntunin.

Mahigit tatlong dekada nang umiiral ang mekanismo ng regional wage-setting sa ilalim ng Republic Act No. 6727 at patuloy itong pinagtitibay sa pamamagitan ng karanasan, mga desisyon ng Korte Suprema, at mga napapanahong tuntunin. Hindi ito isang prosesong sinusubok pa lamang o isang mekanismong binuo para lamang sa kasalukuyang Wage Order.

Aming ipagtatanggol ang integridad ng prosesong ito bilang instrumento ng social justice na nagbibigay proteksyon sa mga bulnerableng manggagawa, habang binabalanse ang interes ng mga manggagawa, mamumuhunan, at pamahalaan. Ang NWPC at RTWPB-NCR ay masusing nakikipag-ugnayan sa Office of the Solicitor General upang isagawa ang naaangkop na legal na mga hakbang.

Ang publiko ay makatitiyak na ang iba pang RTWPB ay patuloy na magsusuri sa mga socioeconomic conditions sa kani-kanilang rehiyon at gaganap sa mandato sa pamamagitan ng tripartite deliberations. Magbibigay ang NWPC ng kinakailangang technical at policy guidance sa kanilang buong wage-review process.